REP. RON P. SALO KABAYAN Party-list Committee Vice-Chair, Public Accountability, Public Information, Human Rights, Government Reorganization, and Constitutional Reforms One of House Authors, (RA 11469) Bayanihan to Heal As One Act 0917-729-2437 | Twitter: @Kabayan_Ron Dapat meron ding employer’s share ang PhilHealth contributions OFW DEPENDENTS, KASAMA SA BIYAYA NG PHILHEALTH BENEFITS [KABAYAN Party-list Rep. Salo nilinaw ang mga isyu hinggil sa Universal Health Care Law sa talumpati sa Kamara] Hindi kaila sa atin na maraming namamatay na mahihirap nating kababayan na hindi man lang nakakita ng doktor dahil wala silang pambayad sa ospital. At kung makapagpa-doktor man ay kailangang ibenta o isanla ang mga ari-arian at karaniwang nababaon sa utang. Ito ang mga pangunahing suliranin na nais bigyang solusyon ng Universal Health Care (UHC). Bago ang batas na ito, marami sa kanilang mahihirap nating kababayan ay walang Philhealth coverage. Sila ang kadalasang kumakatok sa ating pintuan para humingi ng medical assistance. Kasama na rito madalas ang mga kamag-anak o mahal sa buhay ng mga OFWs sapagkat kadalasan wala silang pormal na pinagkakakitaan maliban sa inaasahan nilang padala ng kanilang kaanak na OFW. Subalit dahil sa UHC Law, lahat ng mga Filipino ay covered na ng Philhealth. Totoo, marami pa rin ang nakapila sa ating mga tanggapan upang humingi ng medical assistance. Isang katotohanan ito sapagkat hindi pa tuluyang naipapatupad ang UHC Law. Gayundin, kakailanganin din natin ang malaking pondo para tuluyang maipatupad at magkaroon ng kaganapan ang mga layunin ng batas na ito. Tatandaan din natin na hindi lang simpleng Philhealth coverage ang adhikain ng UHC Law, kundi siguraduhing de-kalidad ang ibibigay na serbisyong medikal sa ating mga mamamayan at magkaroon ng maayos na pasilidad at kagamitan ang ating mga ospital. Sa aking pagtatapos, nais kong ulitin na maaaring mali ang “timing” na ginawa ng Philhealth sa pagtaas ng premiums mula 2.75% to 3% sa buwanang sahod ng ating mga OFWs, at mali ang ginawang pagsingil sa kanila ng buong 3% sapagkat ang kalahati ay sa kanilang employer dapat siningil. Subalit kailanman, hindi maaaring sabihin na ang UHC Law ay isang pahirap sa ating mamamayan, lalo na sa ating mga OFWs, sapagkat ang batas na ito ay sa kaginhawan, kapanatagan at kalusugan ng bawat pamilyang Filipino. (WAKAS)